Poem#1
When you fell in love with your friend, but you can’t have him/her. would you tell him/her your true feelings before his/her last breath?
written last November 12, 2004 (Friday)
____________________
Pagsisisi…
Sa kailaliman ng gabi,
Ipikit mo ang iyong mga mata.
Sa liwanag ng buwan,
Hawak ko ang iyong kamay.
Narito ako sa iyong tabi,
Nakikinig sa bawat salita.
Nakatingin sa iyong mga mata,
At nais pawiin ang bawat luha.
Nais kong tumigil ang oras
Na ikaw ay yakap-yakap.
Dalhin ka sa malayong lugar
At ipadama, sabihin sa iyo…
Minamahal kita.
Naninikip ang aking dibdib,
Parang nais ko ng aminin.
Kung maaari lang sana,
Ikaw ay naging akin.
Patawad kung sa oras na
Ito ako ay makasarili..
Hindi bukal sa loob
Ang pakikinig sa iyo.
Ayoko marinig ang ano
Mang tungkol sa kanya.
Nangangarap sa oras na ito,
Na iyong sambitin sa akin…
Minamahal kita.
Hanggang pangarap na lamang
Ang ikaw ang maging akin.
Isang ilusyon ang bawat oras
Na iisipin na ako’y mahal mo rin.
Tanggap ko ang katotohanan,
Na ikaw ay para sa kanya.
Na hindi ko madarama at
Maririning mula sa iyong labi na
Minamahal mo ako.
Sa huling sandali ng iyong paghinga,
Nais ko dayain ang pagkakataon.
Kahit sa ilang Segundo lamang
Hagkan ka at wasakin ang pagkakaibigan.
Ngunit hindi ko magawa,
Hindi ko kayang pasakitan ka pa.
Hindi ko kaya ang magalit ka,
At sa huling sandali ay kamuhiaan mo.
Tama na… huwag ka ng lumuha.
Narito ako, sa iyong tabi.
Nakikinig sa bawat sinasabi,
Mga salita mula sa iyong labi…
"Mahal kita…"
Naninikip ang aking dibdib.
Mariin ang pagpikit…
Luha ko’y madaling umagos,
Wala akong nasabi…
Sa kailaliman ng gabi,
Nakapikit ang iyong mga mata.
Sa liwanag ng buwan,
Yakap ka ng mahigpit.
Narito ako sa iyong tabi,
Narinig ang huli mong sinabi.
Nakatingin sa iyong mukha,
At nais ko magsisi.
Bakit hindi ko sinabi?
Bakit hindi ko dinaya ang pagkakataon?
Bakit hindi ako naging makasarili?
Hanggang sa huling sandali.
Sana ay nasabi ko…
Sana ay napatunayan ko…
Sana naipadama ko…
At nalaman mo na
Minamahal kita.
Bakit nga ba
Hindi ko nagawa?
Dahil akala ko mahal mo siya…
At dahil sa
Mahal kita….
